Aprubado na ang tax provisions ng panukala na magpapabilis sa procurement at administration ng COVID-19 vaccines ng mga LGUs.
Sa pagdinig ng Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, kinatigan agad ang tax provisions ng House Bill 8648 nila Speaker Lord Allan Velasco at Minority Leader Joseph Stephen Paduano (subject to style) upang mapabilis ang pagbili ng mga bakuna ng mga local government na hindi na kinakailangang idaan sa public bidding.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng exemption sa hinihinging requirements sa ilalim ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act ang mga LGUs nang sa gayon ay mabilis na makakabili ng bakuna at iba pang kinakailangang suplay ang mga lokal na pamahalaan.
Bukod sa direct procurement at hindi na pagsasagawa ng bidding ay ilan sa mga ibibigay na exemptions ay ang 50% downpayment, pagkakaroon ng fixed na presyo, malinaw na timeline at bayad-pinsala o indemnification.
Suportado naman ng Department of Health (DOH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Customs (BOC) at iba pang kaukulang ahensya ang nasabing panukala.