TAX REFORM BILL | Madugong debate sa bicam, ibinabala

Manila, Philippines – Ibinabala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ng matinding debate sa bicameral conference committee ukol sa Tax Reform For Acceleration and Inclusion o TRAIN.

Idinahilan ni Drilon, ang napakaraming probisyon ng bersyon ng Kamara ang Senado ang hindi magkakatugma.

Pangunahing tinukoy ni Drilon ang dagdag na anim na pisong buwis per liter na ipapataw sa produktong petrolyo.


Sa Kamara, ito ay hinati sa tatlong piso, dalawang piso at piso sa tatlong magkakasunod na taon hanggang mabuo na sa anim na piso.

Pero sa bersyon ng Senado ay ipapataw ito ng P1.75 per liter sa taong 2018, P3.75 sa 2019, at dagdag na P2.25 pesos sa taong 2020 para maging anim na piso.

Nakapaloob din sa Senate version na maaring suspendehin ang dagdag buwis sa langis depende sa inflation rate at presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Mas mababa din aniyang ang dagdag buwis na ipinataw ng Senado sa mga matatamis na inumin.

Sabi pa ni Drilon, pagtatalunan din ang dagdag buwis na ipinataw ng magkabilang panig sa mga sasakyan, at pati mga produkto at serbisyo na hindi na papataan o binabaan ang Value Added Tax o VAT.

Ayon kay Drilon, magiging dahilan din ng matinding debate ng mga Senador at Kongresista na kakatawan sa bicam ang earmarking o paglalaanan ng nabanggit na mga dagdag na buwis.

Facebook Comments