Tax reform package bill – aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara

Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang House Bill 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion.

Nabatid na 246 na kongresista ang bumotong pabor sa panukala, siyam ang bumotong ‘no’ at isa ang nag-abstain.

Sa ilalim nito, libre na sa income tax ang mga sumasahod ng aabot sa P250,000 kada taon habang itinaas naman sa P100,000 ang halaga ng bonus na libre sa buwis mula sa kasalukuyang P82,000 kada taon.


Kaakibat nito, nakapaloob sa panukala ang anim na pisong dagdag excise tax sa kada litro ng mga produktong petrolyo at dagdag-buwis sa mga bibilhing bagong sasakyan.

Una nang inamin ng Malacañang na magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kasama na ang pamasahe sakaling maisabatas ang tax reform bill.

Hindi naman na kasama ang mga kooperatiba sa mga tatanggalan ng VAT exemption, pero tinatanggalan naman ng ganitong pribilehiyo ang mga bibilhing bahay na may halagang 1.5 million.

Papatawan din ng 20% ang buwis sa panalo sa lotto at may sampung pisong buwis na rin sa mga bibilhing sugar sweetened beverages.

Kaakibat naman ng tax measure ang ilang reporma gaya ng fuel marking para masawata ang oil smuggling.

DZXL558

Facebook Comments