Tax reform package ng gobyerno, bigong mailusot

Manila, Philippines – Bigong maaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang Comprehensive Tax Reform Package ng Administrasyong Duterte bago mag-Lenten break ang Kamara.

 

Ito ay matapos magmosyon at magdesisyon ang mayorya ng komite na bumuo muna ng technical working group at aralin pa dito ang tax reform package bago maipasa.

 

Habang nakabakasyon ang Kongreso ay tatrabahuin sa technical working group ang pag-consolidate sa House Bill 4774 sa iba pang mga panukalang batas para sa reduction ng income tax.

 

Napagkasunduan din ng mga miyembro ng komite na isang buong pakete ang tax package kapag ito ay kanilang pinagbotohan.

 

Ang panukala ay kinapapalooban ng pagpapababa ng personal income tax, dagdag excise tax sa produktong petrolyo at gayundin sa mga sasakyan.

 

Dahil magre-recess na ang sesyon, sa pagbabalik na ng trabaho ng mga kongresista sa mayo maaaprubahan ng ways and means committee ang tax reform package.

Facebook Comments