Manila, Philippines – Ipinababasura ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang tax reform package ng Department of Finance sa oras na maiakyat na ito sa plenaryo.
Kahapon ay naipasa ng House Ways and Means Committee ang substitute bill ng tax reform package at inaasahang matatalakay na ito sa plenaryo sa susunod na Linggo.
Giit ni Zarate, dapat na himaying mabuti ang panukala at huwag hayaang maipasa ng Kamara ang aniya’y anti-poor measure ng gobyerno.
Mariing sinabi ni Zarate na direktang matatamaan ang tax reform package ang mga mahihirap dahil otomatikong tataas ang mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa oras kasi na maipasa ang panukala, ay tataas ang presto ng diesel mula P31 ay magiging P34 sa susunod na taon at papalo pa sa P37 per liter sa taong 2020.
Habang ang gasolina naman ay tataas na P52 sa 2018 mula sa kasalukuyang P45 pesos kada litro.
Ang LPG naman ay aakyat mula sa kasalukuyang P541 ay nasa P574 na ito sa susunod na taon at P607 sa 2020.
Maging ang remittance charge ay wala ding lusot kung saan ang kasalukuyang P6 para sa P100 remittance ay tataas na sa P7.25.
Nangangamba si Zarate na magreresulta sa domino-effect ang mga dagdag na buwis at singil sa presyo ng ibang mga produkto at serbisyo sa bansa.
DZXL558, Conde Batac