Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8259 na naglalayong bigyan ng tax relief ang mga medical frontliner na nagsisilbi ngayong may COVID-19 pandemic.
Sa viva voce voting ay nakapasa ang Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act na iniakda ni Albay Representative Joey Salceda na layon ding ipakita ang pagkilala at pasasalamat ng gobyerno sa natatanging serbisyo ng mga medical frontliner.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professionals na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Sakop ng benepisyong ito hindi lamang ang mga doctor at nurses kundi pati ang ibang medical frontliners tulad ng mga administrative employees, support personnel at staff of medical institutions anuman ang kanilang employment status.
Sa oras na maging ganap na batas ay inaasahang P2.3 billion ang mababawas sa kita ng pamahalaan sa taxable year 2020 ngunit sulit naman dahil mahihikayat ang mga medical professionals na maging frontliners na sakto naman sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19.