Manila, Philippines – Muling pinaharap ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bureau of Internal Revenue kaugnay sa tax settlement na pinasok ng ahensya.
Inaatasan ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Asst. Commissioner Teresita Angeles na ibigay ang large taxpayers service na pinasok ng BIR sa mga nakalipas na taon.
Nais masilip ni Alvarez ang mga ginawang assessment ng BIR mula 2011 hanggang 2015 upang makita kung magkano ang naibaba sa napagkasunduang bayarang buwis ng ilang kumpanya at ang nawalang salapi sa gobyerno.
Giit pa ng Speaker, mahirap na gumagawa ng paraan ang gobyerno para maitaas ang revenue pero ang BIR ay nakikipag-kompromiso at na-a-agrabyado ang pamahalaan.
Ngayong hapon ay ipinagpatuloy ng Ways and Means Committee ng Kamara ang pagdinig ukol sa tax settlement ng Del Monte Philippines na 65 Million gayong nasa 8.7 Billion ang tax assessment dito.