TAX | Suspensyon sa TRAIN Law, ipinanawagang gawin ngayong "ber" months

Ipinanawagan ni Anakpawis Representative Ariel Casilao ang agad na pagbasura sa TRAIN Law at pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo.

Inirekomenda ni Casilao na gawin ngayong “ber” months ang pag-repeal sa TRAIN Law at suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang matigil na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at maagapan ang krisis ng ekonomiya.

Ayon kay Casilao, isinisisi ng mga mahihirap at ng mga manggagawa sa TRAIN Law ang 6.4% inflation rate noong Agosto at 8% inflation rate sa food items.


Hindi na aniya madedepensahan ng administrasyon ang TRAIN Law dahil gasgas na ang mga palusot tulad ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Base aniya sa data, bago pa maipatupad ang TRAIN Law, ang inflation rates noong 2016 ay nasa 0.5% hanggang 2.2% habang noong 2017 nasa 2.4% hanggang 3.2% ang inflation rate.

Nang maipatupad ang TRAIN Law, pumalo sa 3.4% hanggang 6.4% ang inflation mula Enero hanggang Agosto kung saan umakyat mula P12 hanggang P16 ang oil prices sa kada litro.

Batay naman sa Ibon Foundation, 25% na bahagi ng itinaas sa presyo ng langis ay dahil sa TRAIN Law.

Dahil dito, umapela si Casilao na aprubahan na ng Kamara ang House Bill 7653 na nagpapabasura sa TRAIN Law.

Facebook Comments