Taxi at TNVS, balik operasyon sa Mayo 16, 2020

Papayagan nang bumalik sa operasyon ang mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS) tulad ng Grab sa Mayo 16, 2020 kaakibat ng mahigpit na pagsunod sa “New Normal Rules” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Gayong iiral pa rin sa ilang mga lugar ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ).

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa mga myembro ng Senate Committee on Public Services, mahigpit na ipapatupad ang “No Mask, No Ride” policy.


Paliwanag ni Delgra, pangunahing isinaalang-alang dito ang kalusugan ng publiko na sasakay din sa mga taxi at TNVS.

Sinabi naman ni Transportation Undersecretary Mark Richmund de Leon, na papayagan ang mga taxi at TNVS na magsakay ng hanggang tatlong pasahero kung saan isa sa harap katabi ng driver at 2 sa likod ng sasakyan.

Pero mahigpit na bilin sa mga taxi at TNVS ang paglalagay ng barrier tulad ng acetate o plexi glass sa pagitan ng driver at mga pasahero upang payagan muli sa kanilang operasyon.

Bagamat hindi naman mandatory, hinihikayat ng LTFRB ang paggamit ng mga ito ng cashless transactions upang maiwasan na mahawaan ng COVID-19.

Facebook Comments