Matapos na hindi makabiyahe sa loob ng 2 buwang lockdown, simula sa Lunes, June 1 ay makakapamasada nang muli ang ilang mass transportation kasunod ng pagsasailalim sa Metro Manila sa General Community Quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, pwede nang bumiyahe muli pero with limited capacity ang mga tren, bus, taxis, ride-hailing cars, point-to-point buses at shuttle services.
Matatandaan sa inilabas na guidelines ng Department of Transportation (DOTr), sa Phase 1 magmula June 1 – 21, papayagang magbalik operasyon ang train, bus augmentation units, taxis, TNVS, point-to-point buses, shuttle services at bicycles pero limitado lamang ang kapasidad habang pagsapit ng June 22 – 30 o phase 2, maaari nang makapamasadang muli ang mga public utility buses, modern jeepneys at UV express vans.
Samantala, ang mga tricycle naman ay depende sa pagpayag ng kanilang mga Local Government Units (LGUs).
Pero mananatiling bawal makapasok sa Metro Manila ang mga provincial buses.
Kasunod nito, bilang new normal, ipapatupad ang health safety protocols sa mga public transportation kabilang dito ang mandatory na pagsusuot ng face mask, paggamit ng cashless payments, paggamit ng thermal scanners sa mga pasahero, may mga nakalaang alcohol at sanitizers, pagdisinfect sa mga sasakyan sa kanilang disinfection facilities at ang pagpapatupad ng social distancing.