Ipapatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taxi driver na nanggagalaiti sa kanyang pasahero sa nag-viral na video.
Ayon sa biktimang si Mary Vennice Oronce, bago siya sumakay ng taxi, tinanong niya sa barker at driver kung dadaan ba ito sa kaniyang pupuntahan para doon siya bababa at umoo naman daw ito.
Pero sa isang mall sa Pasay raw siya gustong ibaba ng driver.
Nagsasakay daw aniya ng iba’t ibang pasahero ang taxi at naniningil kada tao na parang UV express.
Ilang beses ding ininsulto ng driver ang pasaherong babae.
May nakita raw na enforcer ang pasahero kaya naglakas-loob na siyang magpababa sa taxi, pero nang pagbaba niya, minura pa raw siya ng driver.
Giit ni LTFRB Chairman Martin Delgra, sisikapin nilang ipatawag ang taxi driver at operator nito bago matapos ang taon.
Pagtitiyak ni Delgra, sa susunod na taon, 5,000 bagong taxi units ang magsisimulang bumiyahe sa buong bansa at asahan na magalang, may proper grooming at tamang asal ang mga driver na ito at hindi gaya ng nasa video.