Manila, Philippines – Pinahahanap na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang taxi driver na sinasabing hinoldap ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Inatasan ni Aguirre ang NBI na hanapin si Tomas Bagcal na sinasabing biktima ng pang-hoholdap ni Arnaiz.
Sa Department Order na nilagdaan ni Aguirre, ipinag-utos ng kalihim ang pagsasagawa ng imbestigasyon at case-build up sa kaso ni Bagcal.
Ayon kay Aguirre, hindi lang basta maituturing na person of interest sa kaso si Bagcal dahil kung mapapatunayan aniya sa imbestigasyon na talagang hinoldap ito ni Carl ay maituturing itong biktima.
Gayunman, oras aniyang mapatunayan na nagsisinungaling ito at napilitan lamang gumawa ng kwento ay maaring makasama din siya sa mga makakasuhan.
Sa kabilang dako, maaari naman aniyang maging state witness si Bagcal kung mapapatunayan na hindi siya ang most guilty sa kaso.