Nasakote ng mga awtoridad ang isang taxi driver sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ireklamo ng kaniyang dayuhang pasahero ng sobrang paniningil nitong Sabado.
Ayon sa Chinese national na si Wang Wei, sinigil siya at dalawa pang kasama ng P6,000 ng tsuper na kinilalang si Eugene del Rosario mula NAIA Terminal 3 paputang NAIA Terminal 1.
Binanggit umano ng tsuper na ito ang nakalagay sa hawak nilang taripa.
Dahil ayaw maiwanan ng flight pabalik ng Tsina, binayaran ng mga banyaga ang nasabing halaga. Kasunod nito, inireklamo nila sa airport police ang naturang drayber.
Dinakip si Del Rosario bandang alas-kuwarto ng hapon habang nakapila sa taxi lane ng NAIA Terminal 3.
Nalaman din ng Manila International Airport Authority (MIAA) na official violation receipt (OVR) lamang ang gamit ng tsuper sa pagmamaneho sapagkat nahuli ito noong Hulyo 8 nang kasalukuyang taon dahil sa illegal parking.
Sa ngayon, nakakulong si Del Rosario habang hinahanda ang kasong isasampa sa kaniya.