Taxi drivers at operators, umapelang isama sila sa makakatanggap ng fuel subsidy ng gobyerno

Umaapela ngayon ang mga driver at operator ng taxi na isama sila sa listahan ng bibigyan ng fuel subsidy ng gobyerno.

Ayon kay Philippine National Taxi Operators Association President Bong Suntay, susulat sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para maisama sila sa makakatanggap ng subsidy.

Hindi naman aniya pwedeng ang mga Public Utility Jeeps (PUJ) lamang ang ibilang dito ng gobyerno lalo na’t apektado rin sila ng taas presyo sa produktong petrolyo.


Ipinunto pa ni Suntay na isang taon at siyam na buwan nang nagdurusa ang mga tsuper ng taxi dahil sa mga ipinatupad na lockdown at curfew kung saan naging matumal ang kanilang biyahe.

Iginiit pa nito na hindi naman humihinto ang gastos ng mga operator sa kabila ng hindi pagbiyahe ng mga taxi kagaya ng supervision fee at insurance.

Simula noong Enero, nasa halos ₱22 na ang nadagdag sa kada litro ng gasolina habang ₱18.10 sa diesel at halos ₱16 sa kada litro ng kerosene.

Facebook Comments