Taxpayers, pinayuhang mag-avail pa rin ng Estate Tax Amnesty kahit wala pa ang batas para sa extension nito

Pinayuhan ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang taxpayers na mag-apply pa rin para sa Estate Tax Amnesty kahit hindi pa nalalagdaan ang batas para sa extension nito.

Ngayong araw, June 14, ang deadline para sa paghahain ng Estate Tax Amnesty at hanggang ngayon din ay hindi pa napipirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang batas na nagpapalawig nito hanggang June, 2025.

Hinimok ni Gatchalian ang mga planong mag-avail ng Estate Tax Amnesty na kumuha ng aplikasyon para dito dahil retroactive naman ang pagpapatupad ng tax amnesty kaya pwede pang maghain nito kahit wala pa ang batas para sa extension.


Makukuha naman aniya ang amnesty oras na ganap na itong maisabatas.

Dagdag pa ng senador, wala siyang nakikitang dahilan para hindi malagdaan ang panukalang batas para sa dalawang taon pang pagpapalawig ng tax amnesty at maaaring na-delay lamang ang paglagda rito dahil sa dami na rin ng dapat na pirmahan ng pangulo.

Facebook Comments