Nagkakaubusan na ng mga delata sa mga Supermarkets sa Taytay Rizal kaya’t nanawagan na si Mayor Joric Gacula sa mga owners ng mga Supermarkets na bibilhin nila ang mga delata para ipamahagi sa kanilang mga mahihirap na residenteng nagugutom na dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Mayor Gacula, sa kabila ng nag-positibo siya sa COVID-19 ay hindi pa rin nito pinababayaan ang kanyang nasasakupan na magutom, kaya’t umapila siya sa mga nagmamay-ari ng mga Supermarkets na paglaanan sila ng mga delatang kanilang bibilhin para sa kanyang nasasakupan.
Paliwanag ng alkalde, nagkakaubusan na umano ng mga delata kaya’t kulang ang iba sa mga delata na kanilang ipinamamahagi sa mga residenteng hindi makalalabas sa kanilang bahay.
Giit ni Mayor Gacula, nagbahay-bahay sila at hindi pinapayagan ang mga residente na lumabas sa kani-kanilang tahanan upang huwag mahawaan ng nakamamatay na virus.
Handa rin umano silang tumanggap ng mga donasyon sa mga nais na tumulong sa kanyang mga kababayan na lubhang naaapektuhan ng Coronavirus Disease o COVID-19.