Pinapalinaw ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) ang magiging proseso ng 15-days enrichment classes na isasagawa ngayong bakasyon.
Batay sa inilabas na DepEd Order No. 25, itinasan nito ang mga pampublikong guro na magsagawa ng 15-days na enrichment classes para sa mga estudyante sa Grade 1 hanggang Grade 11 na nakakuha ng mababang marka na 75 hanggang 79 mula July 24 hanggang August 12, 2022.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni TDC Chairperson Benjo Basas na sumulat na sila kay out going DepEd Sec. Leonor Briones at kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan upang linawin ang pag-iimplementa nito.
Giit ni Basas, kabilang sa dapat linawin ay paano at ano ang gagawin ng mga guro sakaling hindi pumayag ang mga magulang na papasukin ang mga bata para sa enrichment classes, kung ang adviser ba o ang guro ng subject na ibinagsak ng bata ang magtuturo, at paano ang kompensasyon ng mga gurong magtuturo.
Nilinaw rin ni Basas na ang dalawang buwan bakasyon ay ipinagkakaloob talaga sa mga guro dahil wala silang sick leave at vacation leave tuwing pasukan kaya dapat din malinaw kung babayaran sila sa pagpasok sa enrichment classes.
Sa kabila nito, aminado si Basas na mababa ang tyansa na matalakay pa ang kanilang kanilang apela lalo na’t malapit na ang pagpapalit ng liderato ng susunod na kalihim ng DepEd.