Mapapaaga ang pasukan ngayong darating na School Year 2024-2025.
Ito ang kinumpirma sa interview ng RMN Manila ni Teachers Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas kasunod ng isinagawang consultation ng Department of Education sa mga guro, paaralan, magulang at student leaders nitong nakaraang araw.
May kaugnayan ito sa isinusulong ng mga guro at ilang grupo na ibalik muli sa June hanggang March ang School Calendar, tatlong taon mula ng gawin itong August hanggang June.
Ayon kay Basas, sa naganap na konsultasyon ay nagkaroon ng consensus para i-adjust ang school calendar kung saan mapapaaga na ang bakasyon ngayon taon at posible itong sa May 31, 2024 na.
Bunsod nito, maaga rin aniya ang school opening para sa School Year 2024-2025 na posible sa July 29, 2024.
Ang adjustment aniya ay magbibigay daan para maibalik na sa June hanggang March ang school calendar pagdating ng taong 2025-2026.
Sinabi ni Basas na inaayos na ng DepEd ang draft para sa formal memo kaugnay sa naturang school calendar adjustment.