Ipinakilala ng Department of Education (DepEd) ang mga magsisilbing trainers ng teacher-broadcasters na lalabas sa kanilang educational TV.
Ang veteran broadcast journalist na si Luchi-Cruz Valdes ang magsisilbing Senior Trainer at Advisor habang si Paolo Bediones ang magiging Leader Trainer.
Ang iba pang personalidad na kasama sa training ay ang mga kilalang News Anchors, Reporters at Documentarist na sina Jessica Soho, Korina Sanchez, Karen Davila, Kuya Kim Atienza, Arnold Clavio, Kara David, Sandra Aguinaldo, Abner Mercado, Atom Araullo, Jacque Manabat at MJ Marfori.
Sasamahan din sila ni Grooming Coach na si Issa Litton, Voice Master na si Pocholo Gonzales at educational content creator at motivational speaker na si Lyqa Maravilla.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, ikinalulugod nila na maibabahagi ang pinagsamang karanasan ng broadcast at hosting ng mga multi-awarded broadcast journalists, at television at radio personalities para sa DepEd TV.
Sa ilalim ng Teacher-Broadcaster Training Program, tutulungan ang piling candidates na maging effective presenters sa telebisyon, at maipaunawa sa kanila ang elements ng video productions na makakatulong sa kanila na madiskubre ang papel ng pagiging associate producer, videographer, editor, graphic artist at production coordinator.
Ang training ay sinimulan sa pamamagitan ng mga session sa University of the Philippines sa Diliman at Los Baños.
Sa suporta ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pumumuno ni Secretary Martin Andanar, naging posible ang training workshops kasama si Bediones at Cruz-Valdes.
Kaugnay nito, plano ng DepEd na magtayo ng broadcast-ready studios sa buong bansa sakop ang lahat ng Division Offices kabilang ang Ilocos Norte, Lanao del Norte, Pangasinan, Zamboanga, Palawan at Davao.
Target ng DepEd na makagawa ng 130 episodes kada linggo sakop ang major subject areas.
Nakatakda ang final test broadcast ng DepEd TV sa September 21 hanggang September 25, 2020 sa IBC-13 at iba pang partner networks.