Umaasa ang grupong Teachers Dignity Coalition na maging daan ang nangyaring insidente ng pamamaril sa isang grade 7 student sa Calamba, Laguna para magkaroon ng karagdagang seguridad sa mga paaralan.
Ayon kay Benjo Basas, national chairman ng grupo ng mga guro, dapat ay may nakalaan na budget ang gobyerno lalo na sa malalayong probinsiya na hindi nakakakuha ng mga security guards ang mga paaralan.
Sinabi pa ni Basas na kapos talaga sa budget ang ilang mga eskwelahan sa iba’t-ibang probinsiya kung saan hindi din umano kasama sa pondo ng Department Of Education ang pagkuha o pag-hire ng mga magbabantay sa loob at labas ng paaralan.
Aminado naman ang grupo na ilan sa mga paaralan na may mga security guards ay resulta ng nabuong usapan ng mga guro at magulang o tinatawag na parents teachers association.
Nakikiramay naman ang teachers dignity coaliton sa pamilya ng 15-anyos na biktimang si mark anthony miranda at umaasa sila na mahuhuli agad ang suspek na si Renan Valderama.