Teachers’ Dignity Coalition, umapela sa DepEd na magpatupad ng hakbang para maibsan ang epekto ng matinding init sa mga guro at estudyante

Nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagbalangkas ng mga hakbang para maibsan ang epekto sa mga mag-aaral at guro ng matinding init.

Ayon kay TDC Chairperson Benjo Basas, bagama’t may commitment na kaugnay sa pagbabalik sa dating school calendar, kailangang isipin ang kasalukuyang sitwasyon kung saan ngayong buwan at sa Mayo ay mararanasan ang matinding init.

Panawagan ng grupo ng mga guro, paiksiin ang oras ng klase o di kaya ay magkaroon ng shifting para maiwasan ang sobrang sikat ng araw.


Inirekomenda rin ng TDC ang pagpapasuot sa mga estudyante at guro ng komportableng pananamit.

Kung hindi naman kakayanin, mas makabubuting ipatupad na lang ang distance learning modalities.

Umaasa rin si Basas na mamadaliin na ng DepEd ang transition sa dating school calendar sa pamamagitan ng pagpapaiksi sa 2024-2025 school year at tapusin na ito sa kalagitnaan ng Abril bilang ito ang iniiwasang buwan dahil sa sobrang init.

Facebook Comments