
Magpapadala ng team sa Cebu ngayong weekend ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) kasama ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Ayon kay NHCP Chairperson Regalado Jose Jr., ito ay para tingnan ang naging pinsala ng malakas na lindol sa mga historical at heritage sites tulad ng mga lumang simbahan.
Binanggit ni Jose na nagsagawa na rin sila ng online meeting sa mga apektadong lokal na pamahalaan at kanila na ring inaalam ang nakalaang alokasyon para sa kinakailangang repair o restoration ng mga napinsalang historical at heritage sites.
Agad din nagbigay ng payo si Jose na i-cordon at huwag munang puntahan ng tao ang mga napinsalang makasaysayang istraktura dahil baka rin may mga debris na bumagsak dito at baka din may mga bahagi nito ang mawala.
Dagdag pa ni Jose, nagpakuha na rin sila ng mga larawan para maging gabay sa pagsasaayos sa nabanggit na mga istraktura.
Si Jose ay nagtungo sa Kamara para sa pagsalang sa deliberasyon ng 2026 budget ng NHCP.









