Nakarating na ngayon sa Abra ang team ng lokal na pamahalaan ng Maynila para magbigay ng anumang tulong sa makaraang tumama sa lalawigan ang malakas na lindol kahapon.
Ayon kay Arnel Angeles, ang direktor ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ay agad silang naghanda para sa gagawing operasyon sa Abra o tinatawag ding “Oplan North Help”.
Kagabi naman, umalis ang tinatawag na “Team Abra” upang makarating sa probinsya ngayong umaga.
At sa pinakahuling update kaninang 6:20 ng umaga, sinabi ni Angeles na nakarating na ang team sa kanilang destinasyon sa Abra.
Kasama sa mga idineploy ay isang rescue truck, isang fire tanker, isang ambulansiya, isang mobile transporter at 15 personnel ng MDRRMO.
Bitbit nila ang ibang mga equipment o kagamitan na pang-rescue, pang-clearing operations, gayundin ang portable water supply at purifier kasama ang mga paunang lunas na serbisyong medikal.
Base sa mga impormasyon, maraming bahay, establisimyento at iba pang istruktura sa Abra at iba pang parte ng Northern Luzon ang nasira dahil sa malakas na lindol.