Technical glitch sa NAIA, malabong cyber-attack – CAAP

Malabo na cyber-attack ang sanhi ng aberya sa air traffic management system ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para maparalisa ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1.

Sa pagdinig ng Committee on Public Services, sinabi ni CAAP Director General Manuel Tamayo na batay ito sa resulta ng imbestigasyon ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC).

Lumalabas sa imbestigasyon na isa sa mga circuit breaker ang sumobra sa boltahe ng kuryente na na-detect ng dalawang Uninterruptible Power System (UPS) na awtomatikong nag-shutdown para maiwasan ang mas malalang pinsala sa system.


Batay sa presentasyon ni Tamayo sa Senado, sumobra sa 380 volts ang isa sa mga kable ng pumalyang circuit breaker na dapat ay nasa 220 volts lamang.

Taliwas ang impormasyong ito sa naunang nai-report ng CAAP na UPS ang nagkaproblema.

Agad namang napalitan ang nasirang circuit breaker dahilan kaya ng parehong araw ding iyon ay unti-unting naibalik ang power supply at naging partially operational ang paliparan.

Magkagayunman, hindi pa natutukoy ng CAAP ang dahilan sa over-voltage ng isa sa mga circuit breaker at isasailalim pa ito sa forensic examination ng CICC para malaman ang sanhi ng pagkasira.

Facebook Comments