Manila, Philippines – Muli na naman naperwisyo ang mga pasahero ng MRT-3 matapos na dalawang beses na magka-aberya kahapon, Christmas day.
Sa abiso ng Department of Transportion (DOTr), nakaranas ng problemang teknikal ang dalawa sa kanilang tren kung saan unang nagka-problema ang isa nilang tren dakong alas-4:15 ng hapon.
Dahil dito, pinababa ang nasa 205 na mga pasahero sa southbound ng Quezon Avenue Station.
Nabatid na hindi nagsasara ang isa sa mga pintuan ng tren kaya at napilitan ipahinto ang operasyon nito at pababain ang mga pasahero.
Samantala, dakong alas 6:16 ng gabi hindi pa man nakakaalis ang isang tren ng MRT sa North Avenue Station ay muling pinababa ang nasa 240 pasahero nito.
Ito ay dahil sira umano ang public address system ng tren na siyang ginagamit upang ianunsyo ang susunod na istasyon na hihintuan ng MRT.
Dahil sa aberya, pinalipat na lamang sa susunod na tren ang mga pasahero.