Technical report para sa booster shots, posibleng sa susunod na linggo matatanggap

Inaasahan ng Department of Health (DOH) na maibibigay na sa kanila ang technical report patungkol sa ginawang pag-aaral para sa COVID-19 booster shots.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa pondo ng DOH sa 2022, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na sa susunod na linggo ay hinihintay na lamang nilang maisumite sa kanila ng mga health expert at vaccine expert panel ang technical report kaugnay sa paggamit ng booster doses.

Kapag makuha na ang report sa susunod na linggo ay agad aniya nila itong isusumite at ipiprisinta sa Department of Budget and Management (DBM).


Ang report aniya ang magiging basehan para mailipat ng DBM sa programmed fund at line item ng 2022 national budget ang P45 billion na alokasyon para sa booster vaccines.

Sinabi pa ni Duque na ang DBM at hindi ang DOH ang naglagay sa COVID-19 booster shots sa ilalim ng “unprogrammed funds.”

Matatandaang ipinaliwanag naman ng DBM sa naunang mga pagdinig na ginawa nila ito dahil hindi pa naman malinaw kung talagang kailangan na ang booster shots laban sa COVID-19 sa susunod na taon.

Nangangamba naman ang ilang kongresista na dahil marami na sa mga Pilipino ang fully vaccinated at kailangang may nakahanda nang pondo para sa third shot o booster shot upang mapanatili ang proteksyon laban sa sakit.

Facebook Comments