Bubuo ng Technical Working Group (TWG) ang Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development para ayusin ang panukalang Caregivers Welfare Act at Reservist Employment Act.
Sa ilalim ng panukala para sa mga caregivers, oobligahin ang pagkakaroon ng employment contracts para sa mga caregivers kung saan nakadetalye rito ang magiging trabaho, kompensasyon, oras ng trabaho, overtime pay, rest days, leaves, board, lodging, gayundin ang termination ng employment.
Sa pagdinig ay iginiit ni Senator Jinggoy Estrada, chairman ng komite, na panahon na para mabigyan ng ibayong proteksyon ang mga caregivers lalo’t batay sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), tumaas ang bilang ng mga home-based caregivers sa bansa simula 2021.
Suportado naman ng mga inimbitahang resource persons ang panukalang dagdag proteksyon sa mga caregivers sa buong bansa.
Samantala, bubuo rin ng TWG para sa panukalang “Reservist Employment Rights Act.”
Ibinahagi ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig na may kakilala siyang reservist na hindi nakakatanggap ng kompensasyon.
Hinihingan naman ng komite ang AFP ng dokumento ng disbursement nito para sa mga reservists at position paper ng institusyon tungkol sa panukala.