Isang technical working group (TWG) ang nilikha ng House Committee on Ways and Means katuwang ang Committee on Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disabilities.
Ito ay para bumuo ng mga rekomendasyon na magpapahusay sa mga polisiya at mga benepisyo para sa mga matatanda at mga taong may kapansanan o PWDs.
Ang pagtatag ng TWG ay kaugnay sa isinasagawang pagdinig ng nabanggit na mga komite kaugnay sa report na hindi naipapatupad ng mahigpit ang Magna Carta for Disabled Persons at Expanded Senior Citizens Act.
Ang komite ay papamunuan ni Committee on Senior Citizens Chairman Representative Rodolfo Ordanes.
Kabilang sa mga pag-aaralan ng komite ang pag-aplay ng mga subsidiya o diswkento para sa senior citizens at PWDs sa third-party booking sites gayundin ang sentralisasyon ng rehistrasyon ng mga PWD, at pagbabago ng mga Bureau of Internal Revenue (BIR) forms para sa mas madaling monitoring ng pagbabawas sa buwis.