TECHNOLOGY BUSINESS INCUBATOR, INILUNSAD SA STATE UNIVERSITY SA PANGASINAN

Inilunsad noong Biyernes, Disyembre 12, ang proyektong ALIGWAS Technology Business Incubator (TBI) sa Pangasinan State University Bayambang Campus katuwang ang Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD).

Inaasahang magbibigay ang nasabing proyekto ng suporta sa mga startup na nakatuon sa food system solutions, tungo sa pagbuo ng mga negosyong handang i-commercialize at tumutugon sa pangangailangan ng industriya.

Ayon kay Pangasinan State University President Dr. Elbert M. Galas, magsisilbing suporta ang pasilidad para sa mga estudyante, mananaliksik, at negosyante sa pagpapaunlad ng inobasyon sa kanilang mga produkto.

Binigyang-diin din ang papel ng pasilidad sa pagsusulong ng sustainable at impact-driven research.

Layon din ng programa na maiangat ang kaalaman ng mga nagnanais na mapalago ang negosyo, gayundin ng mga mag-aaral at mananaliksik, pagdating sa paglinang at paghahanda ng kanilang mga produktong iniaalok sa mga konsyumer.

Isinagawa kasabay ng paglulunsad ang Memorandum of Agreement signing at ribbon-cutting ceremony na dinaluhan ng mga opisyal ng PSU, partner agencies, TBI core team, media, at mga incubatee.

Facebook Comments