
Gagamitin ng pamahalaan ang teknolohiya bilang pangunahing kasangkapan upang mapalawak ang oportunidad para sa mga Pilipino.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na maihihiwalay ang teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan dahil halos lahat ay konektado na sa internet at gumagamit ng cellphone.
Aniya, ang pag-aaral, pakikipag-usap, at maging ang trabaho ay unti-unti nang nagiging digital, kaya’t mahalagang samantalahin ng gobyerno ang benepisyong dulot ng makabagong teknolohiya.
Diin ng Pangulo, hindi lamang ito para makasabay sa takbo ng panahon, kundi upang makalikha ng mas maraming pagkakataon sa edukasyon, trabaho, at kabuhayan.
Sa gitna nito, tiniyak ng Pangulo na sisikapin ng pamahalaan na matiyak na ang bawat Pilipino ay may sapat na kaalaman, kakayahan, at oportunidad upang makinabang sa digital na kaunlaran ng bansa.










