Manila, Philippines – Handang ipaglaban ng Department of Information and Communications (DICT) ang pinili nitong selection method para sa ikatlong telecom player.
Ayon kay DICT Secretary Eliseo Rio, dedepensahan nila ang kanilang posisyon ukol sa paggamit ng Highest Committed Level of Service (HCLOS) method sa pagpili ng third telco.
Aniya, isusulong ang nasabing method sa oversight committee meeting na itinakda ngayong linggo.
Ang oversight committee ay binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte para tulungan ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pagbuo ng Terms of Reference (TOR) sa pagpasok ng bagong player sa telco industry.
Pinamumunuan ng DICT ang komite at binubuo ito kasama ang Department of Finance (DOF), Office of the Executive Secretary at National Security Adviser.