Manila, Philippines – Pinagkukumento ng Court of Appeals (CA) ang National Telecommunications Commission (NTC) sa petisyong humihiling na ipatigil ang proseso ng bidding at ang pag-aaward ng kontrata para sa ikatlong telecommunications player sa bansa.
Sa dalawang pahinang resolusyon ng CA Special 12th Division nabatid na hindi na muna inaksyunan ng appellate court ang hiling na temporary restraining order ng mga petitioner.
Sampung araw ang ibinigay ng hukuman para magsumite ang NTC ng kumento.
May pagkakataon naman ang petitioner na maghain ng tugon sa kumento sa loob ng limang araw pagkatanggap nila ng isusumiteng sagot ng NTC.
Ang petisyon ay isinulong ng Now Telecom matapos na ibasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang kanilang petisyon.
Kinukuwestiyon ng Now Telecom ang ilang probisyon sa final terms of reference kaugnay ng pagpili sa ikatlong telco player at kasama na rito ang paglalagak ng P700 million “participation security,” at ang P14 hanggang P24 billion “performance security” gayundin ang P10 million na “appeal fee.”
Nauna nang iginawad ng gobyerno sa Mislatel Consortium bilang ikatlong third major telecommunications player sa bansa.