Manila, Philippines – Maari nang simulan ng Mislatel ang proseso para mabigyan ng frequency at maging opisyal na ikatlong telecom player sa bansa.
Ito ay matapos walang maghain ng apela laban sa kanila hanggang sa itinakdang deadline kahapon.
Walang sumipot na kinatawan ng PT&T sa tanggapan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para magsumite ng kanilang apela sa pagka-disqualify gayundin ang Sear Telecom.
Dahil dito, wala nang hadlang sa Mislatel para sa kanilang post-qualification process.
Ayon kay DICT acting Secretary Eliseo Rio – sa proseso, kailangan nilang kumuha ng certification sa Securities and Exchange Commission (SEC), Philippine Competition Commission (PCC) at National Economic and Development Authority (NEDA) para mabuo na ang kanilang kumpanya na magiging ikatlong telco.
Nakasaad sa Terms of Reference (TOR) para sa third telco sa unang bahagi ng 2019, dapat may signal na sila sa piling lugar sa bansa.
Pero dapat maabot nila ang ipinangakong internet speed sa unang taon ng operasyon na doble sa bilis ng Globe Telecom at Smart Communications.
Tiniyak din ng DICT na ligtas ang operasyon ng ikatlong telco mula sa hacking.