Sunod umanong ipagdadasal ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagpapatigil ng operasyon ng mga pangunahing telecommunication company bunsod ng kanilang mabagal na internet.
Sa kaniyang programang “Give Us This Day” noong Mayo 22, sinabi ng pastor na dapat mahiya ang mga may-ari sa serbisyong ibinibigay nito sa publiko.
“Smart, Globe, PLDT, o mga may-ari ng mga telco… Sa buong mundo, tayo ang pinakamabagal, tapos ang laki-laki pa ng singil ninyo,” pahayag ni Quiboloy na binansagan ang sarili bilang “Appointed Son of God.”
“Gagawa ng paraan ang Ama na ang telcong mabagal, STOP, telcong mabilis, COME IN. Kung bayad man, konti lang, o ‘di kaya’y libre lang. Idadalangin natin ‘yan,” dagdag pa niya.
Hirit pa ni Quiboloy, mas mabilis at libre pa raw ang internet connection sa bansang Ukraine.
“Mayaman pa tayo (Pilipinas) sa Ukraine. Kaya nga yung mga kapatid natin from that place, pag pumupunta dito frustrated talaga. Mabagal kayo,” ani pastor.
Naging usap-usapan sa internet ang religious leader matapos niya raw ipahinto ang lindol sa Mindanao noong nakaraang taon.
Kumasa rin ito sa hamon ng TV-comedian na si Vice Ganda tungkol sa pagpapatigil ng traffic sa EDSA at ng longest-running teleserye na “Ang Probinsyano”
Si Quiboloy ang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every Name, o KJC na naka-destino sa Davao City.
Mas nakilala ang pastor nang magwagi si Pangulong Rodrigo Duterte sa halalan noong 2016.