TELECOM FRAUD BUSINESS | 73 Chinese national, ipinadeport na ng BI

Manila, Philippines – Pitumpu’t tatlong mga Chinese national na sangkot sa telecom fraud business ang ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente – naaresto ang mga dayuhan sa magkakahiwalay na lugar sa Ilocos Sur at Metro Manila kung saan sila nag-o-operate.

Binibiktima umano nila ang mga mayayaman sa China kung saan sila nagpapanggap na pulis, piskal o mga huwes.


Ang modus, pinalalabas nila na may kwestiyonable sa bank accounts ng mga biktima kaya kailangan silang imbestigahan at pagkatapos ay ipalilipat ang salapi sa account ng sindikato.

Nabawi naman ng mga otoridad sa mga isinagawang raid ang ilang improvised soundproof telephone cubicle, mga laptop, cellphone, computer, internet router, at iba pang mga device.

Pinabalik sila sa Tianjin, China sakay ng China Eastern Airlines.

Facebook Comments