TEMPORARY CLOSURE | Calamity fund, para sa mga maaapektuhan ng pagsasara ng Boracay, nakahanda na

Boracay – Nakapaglaan na ang pamahalaan ng 2 bilyong piso na calamity fund para sa inihahandang deklarasyon ng State of Calamity sa Boracay island.

Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, ito ang ilan lamang sa mga ginagawa ng pamahalaan habang papalapit na ang pagsasara ng Boracay ng 6 na buwan na magsisimula sa Abril 26.

Sinabi ni Leones na hindi lahat ng mga manggagawa ang mabebenepisyuhan ng nasabing calamity fund.


Paliwanag nito, hindi kasali ang mga manggagawa sa mga hotel o resorts o mga establisyimento na iligal na naitayo o walang permit to operate at hindi nakasusunod sa mga itinakdang patakaran.

Bahala na aniya ang mga employers sa mga empleyadong makakabilang sa nasabing grupo ng manggagawa na hindi mabibigyan ng tulong mula sa pamahalaan.
Pero tiyak naman aniyang mabibigyan ng benepisyo ang mga empleyado ng mga lehitimong establisyimento na aabot sa 35 libong manggagawa.

Pero sinabi din naman ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi din naman lahat ng mga empleyado ng mga lehitimong establisyimento ang mawawalan ng trabaho at mangangailangan ng tulong ng pamahalaan dahil mayroon din naman aniyang maiiba lang ang gagawin dahil marami naman ang trabaho na mabubuo dahil sa gagawing rehabilitasyon.

Facebook Comments