Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng Department of Tourism na kinukumpleto na nila ang listahan ng tinatayang 35 libong manggagawa na maaapektohan ng pagsasara ng Boracay Island ng 6 na buwan.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, todo ngayon ang pagtatrabaho ng kanilang regional directors para makumpleto ang listahan ng mga maaapektohang manggagawa sa isla.
Layon aniya nitong maplantsa kung sino at kung ilan ang dapat mabigyan ng ayuda ng Pamahalaan na magmumula sa nakahanda nang calamity fund na aabot sa 2 bilyong piso.
Sinabi din nito na mayroon nang inaalok ang Department of Labor and Employment na 5 libong trabaho para sa mga manggagawa sa isla na unang maaapektohan ng pagsasara ng isla.
Matatandaan na sinabi ni Environment Undersecretary Jonas Leones na hindi lahat ng mga empleyado sa Boracay ang matutulungan ng gobyerno dahil hindi makakasama sa maambunan calamity fund ang mga empleyado ng mga iligal na establisyimento.