Manila, Philippines – Patuloy na kinakalap ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang impormasyon ng mga nagtatrabaho sa Boracay para sa isasagawa nilang emergency employment bago isara ang isla sa Abril 26.
Kabilang sa mga kinukuhanan ng profile ang mga manggagawa mula sa informal sector gaya ng mga masahista, tattoo artist, at mga nagtitinda.
Ayon kay Salome Siaton, Assistant Regional Director ng DOLE sa Western Visayas, pawang may kinalaman sa rehabilitasyon ng isla ang mga trabahong ibibigay nila, gaya ng pagtatanim ng mga mangrove.
Bibigyan din aniya ang mga katutubong ati ng trabahong tatagal ng 30 araw.
Nasa 36,000 tao ang mawawalan ng kabuhayan sa pagpapasara ng isla kung saan kasama rito ang 17,000 empleyado ng mga hotel at resort, at 19,000 mula sa informal sector.
May job fair namang idaraos sa Abril 26 sa Kalibo, Aklan para sa mga full-time employee sa Boracay.
Nangangailangan din ang DOLE ng 200 tao para sa kanilang government internship program.