Aklan – May ilang pagbabago ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa guidelines para sa cash-for-work scheme sa Boracay.
Kasunod ito ng pagsisimula ng mga proyekto sa isla sa ilalim ng cash-for-work program para tulungan ang mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng anim na buwang closure ng isla.
Bahagi ng ilang pagbabago ay ang pag-amyenda sa dating rate ng assistance para sa cash-for-work.
Lahat ng benepisyaryo na naglilingkod sa ilalim ng cash-for-work program ay makakatanggap na ng 100% na sahod alinsunod sa regional wage rate mula sa dating alok na 75% lamang.
Ayon sa DSWD, sa Western Visayas, ang existing regional minimum wage rate ay nasa 323.50 pesos kada araw.
Dalawang klase ng proyekto ang saklaw ng cash-for-work, una dito ang labor work tulad ng paghuhukay, paglilinis ng mga canal at drainage systems, pagtatanim ng puno, facility repair; demolisyon ng illegal infrastructure at iba pa at ang pangalawa, ang technical o office work.