TEMPORARY CLOSURE | Proklamasyon sa pagsasailalim sa state of calamity sa Boracay Island ilalabas bago magpunta ng Singapore ang Pangulo

Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang dokumento na siyang magsasailalim sa Boracay Island sa state of calamity bago ito tumulak patunong Singapore para sa kanyang pagdalo sa 32nd ASEAN Leaders Summit.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, bago tumulak ang Pangulo sa Singapore ay maglalabas ito proklamasyon na isailalim ang Boracay sa state of calamity para magamit ng pamahalaan ang calamity fund nito para matulungan ang mga residente at mga manggagawang maaapektohan ng pagsasara ng isla.

Matatandaang inirekomenda na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang pagdedeklara ng state of calamity sa Boracay at inaabangan nalang ang lagda ng Pangulo dito.


Tiniyak din naman ni Roque na handa na ang pondo na gagamitin para sa Boracay at mismong si Pangulong Duterte ang nagtiyak na bago isara ang isla ay nakahanda na ang pondo para dito.

Facebook Comments