Pinapaimbestigahan ni Senator Imee Marcos ang panukalang temporary housing sa Pilipinas ng mga kumukuha ng special immigrant visa mula sa Afghanistan.
Sa inihaing Senate Resolution 651 ni Marcos, nakasaad sa liham ng Presidential Management Staff (PMS) na may petsang June 5, 2023 na inaatasan ang mga ahensya ng gobyerno na dumalo sa “Technical Coordination Meeting” para sa panukalang temporary housing sa bansa para sa mga may special immigrant visa applicants mula sa Afghanistan.
Bago pa man ang nasabing liham ay binanggit sa resolusyon ang hiling ng Estados Unidos sa gobyerno ng Pilipinas na payagan ang pagpasok at pansamantalang pagtira sa bansa ng mga foreign nationals mula sa Afghanistan.
Bagama’t nagpatawag ng technical coordination meeting ang PMS at sinasabing naisapinal na ang kasunduan sa pagpapasok sa bansa ng mga dayuhang national mula Afghanistan pero hindi naman naisapubliko na ito ay alinsunod sa request o hiling ng US.
Ang naturang mga dayuhan pa na umano’y supporter ng US ay sinasabing direktang ita-transport sa bansa.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at may iba naman na nagulat dahil hindi sila nabigyan ng sapat na impormasyon ukol sa pag-uusapan.