Umapela muli ang grupo ng mga tsuper sa gobyerno na payagan silang pansamantalang magpatupad ng pisong dagdag sa minimum na pasahe sa jeep sa gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa isang panayam, sinabi ni Ricardo Rebaño, presidente ng Federation of Jeepney Operator and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), hirap na hirap na sila at may ilan sa kanilang kasamahan ang nais nang tumigil sa pamamasada.
Giit pa niya, masyado na silang nasasamantala dahil sa nangyayaring gulo sa Ukraine at Russia habang wala namang ginagawa ang gobyerno para tulungan sila.
Ayon kay Rebaño, malaking tulong sa mga driver kung pagbibigyan ang hiling nilang temporary P1 fare increase habang wala pang desisyon sa petisyon nilang P5 taas-pasahe.
Sa Martes, March 8, sisimulan nang dinggin ng LTFRB ang hirit na taas-pasahe.
Samantala, sabi naman ni Ka Mody Floranda, national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), hindi lang ang sektor ng transportasyon ang umaaray kundi lahat ng mamamayan dahil sa pagtaas ng mga bilihin na resulta rin ng sunod-sunod na oil price hike.
Kaya bukod sa taas-pasahe, umapela rin ang mga transport group sa ilan pang mga gasolinahan na mabigay rin ng dalawang pisong diskwento sa mga driver.
Una nang sinabi ng LTFRB na hindi pa nailalabas ang pondo para fuel subsidy kung kaya’t hindi pa rin tiyak kung kailan ito maipapamahagi sa mga PUV operator at tsuper.