Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinuspinde na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagputol ng kuryente para sa mga may mababang konsumo sa mga lugar na nasa state of calamity dahil sa Bagyong Kristine.
Batay sa ibinabang direktiba ng ERC, inuutusan ang lahat ng power distribution utilities na suspendihin ang disconnection sa residential at non-residential consumers na may buwanang konsumong hindi lalagpas sa 200 kilowatthours, na mabibigong makabayad sa kanilang electric bill para sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2024.
Iniutos din ang pagpapatupad ng flexible payment options para maibsan ang pasanin ng mga apektadong consumer sa harap ng kanilang pagbangon mula sa kalamidad.
Papayagan din ang paunti-unting pagbabayad sa loob ng anim na buwan.
Maaari ring mag-alok ang power distributors ng alternative payment terms, para naman sa mga kumo-konsumo ng higit sa 200 kwh kada buwan.