Manila, Philippines – Hindi nagpataob ang Quezon City Government sa Marikina na namahagi ng disenteng tent sa kanilang mga evacuees.
Dumating at inilatag na kanina ng QC government ang 200 ‘pop huts’ para pansamantalang matitirhan ng mga evacuees sa brgy. Silangan qc.
Ilang trak mula sa QC hall ang nagdala ng mga ‘pop huts’ materials na itinatayo mismo dito sa covered court ng brgy bagong silangan.
Ayon kay Jonathan Trinidad, District coordinator ng opisina ni Mayor Herbert Bautista, sa ikalawang distrito ng lungsod, ipagagamit ng city government ang nasabing mga temporary shelter hanggang hindi humuhupa ang patuloy na pag-ulang dala ng habagat.
Nagpasalamat naman si Bagong Silangan chairwoman Cresell Beltran sa alkalde, dahil malaking tulong tulong aniya ito sa mga evacuees lalupat tumutulo ang bubungan ng kanilang covered court kapag malakas ang buhos ng ulan.
Ayon kay Beltran, pansamantala ay dalawa hanggang tatlong pamilya ang maari nilang patuluyin sa mga pop hut na may kapasidad na walo katao.
Bukod sa mga ‘pop hut’ nagpadala na rin ng makakain ang lokal na pamahalaan bukod pa sa una nang mga ayudang galing sa malakanyang sa pamamagitan ni Special Assistant to the president Bong Go.
Sa ngayon ay bumaba na sa bilang na 432 pamilya o 1,594 na indibidwal ang nanatili sa evacuation center matapos ang delubyong hatid ng habagat mula noong araw ng Sabado.