Kinailangang suspendehin kahapon ang klase ng mga mag-aaral ng Balogo Elementary School sa barangay Dungguan, Datu Montawal, Maguindanao dahil sa nagpapatuloy na sagupaan sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa lugar.
Sa panayam kay School Principal Eskak Esmael, magpapatuloy ang suspension of classes ngayong araw na ito dahil nagpapatuloy din ang tensyon sa lugar.
Kailangang suspendihin ang klase para sa kapakanan at kaligtasan ng mga mag-aaral dagdag pa ni Principal Esmael.
Sinabi pa ni Esmael na nagsilikas na rin ang pamilya ng mga mag-aaral sa takot na maipit sa labanan.
Nagsimula ang putukan noong sabado ng may manyaring pananambang sa pagitan ng dalawang nag-aaway na pamilya.
May panawagan naman si Esmael sa naglalabang grupo na itigil n a ang sagupaan dahil apektado nito ang mga batang mag-aaral.
Marami dapat anya silang mga aktibidad sa eskwelahan subalit naaantala dahil sa palitan ng putok ng magkaaway na grupo.
Panawagan din nito sa gobyerno na makialam at mamagitan na upang huwag nang lumala pa ang sitwasyon.
Napag-alaman din mula kay Esmael na dalawa pang paaralan ang apektado ng kaguluhan, ito ay ang Mamalimping ES sa bayan ng Pagalungan at Matalam Farm Resettlement ES sa bayan pa rin ng Datu Montawal.
Samantala, ikinagulat din ng militar ang muling pag-igting ng sagupaan sa pagitan ng grupo ng dalawang grupo gayong pinagkasundo na ang mga ito ng militar, kapulisan at ng MILF-CCCH noong Sabado.
Ayon kay 602nd Infantry Brigade Commander BGen Alfredo Rosario Jr., nagulat na lamang sila nang muling magkagirian ang grupo alas tres ng hapon kahapon.
Agad naman anyang umaksyon ang kasundaluhan upang pahupain ang palitan ng putok ng magkalabang grupo sa pamamagitan ng pagpapaputok sa mga ito ng mortar.
Tinantanan lamang nila ang pagpapapautok nang tumahimik na sa ground dagdag pa ni Gen. Rosario.
May mga bakwit na bunsod ng kaguluhan at tinutugunan naman ng lokal na pamahalaan ng Datu Montawal ang mga pangangailangan ng mga ito ayon pa kay Gen. Rosario.
Muli namang binigyang diin ng opisyal na sa pagitan lamang ng mga kasapi ng MILF ang kaguluhan at walang kinalaman dito ang organisasyon.
Sa katunayan anya ay wala ring humpay ang mga pagsisikap ng pamunuan ng MILF upang hikayatin ang mga sangkot na grupo na itigil na ang kanilang girian.
Samantala, humigit kumulang sa 500 pamilya ang apektado ng tensyon. Agad na rin nagpa-abot ng ayuda ang LGU sa mga pamilyang apektado
Kampilan Pic