Isinailalim sa lockdown ang bahagi ng Camp Crame matapos ang insidente ng hostage taking at tangkang pagtakas ng tatlong Persons Under PNP Custody (PUPC) sa Custodial Facility kung saan nakakulong si dating Sen. Leila De Lima.
Nangyari ang insidente alas-6:30 kaninang umaga kung saan naghahatid ng pagkain si Police Corporal Roger Agustin sa Maximum Security Compound ng PNP Custodial Center ng pagsasaksakin ito ng improvised na kutsilyo ng tatlong PUPC na nakilalang sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr.
Nagawang mabaril ng kabaro ni Agustin sina Cabintoy at Susukan pero nakatakbo sa kwarto mismo ni Sen. De Lima si Sulayao saka nito hinostage ang senadora.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Special Action Force kung saan na-neutralized si Sulayao.
Agad na dinala sa malapit na ospital ang nasaksak na pulis gayundin si Sen. De Lima.
Ipinag-utos na ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring insidente hahang humupa naman na ang tensyon sa loob mg Camp Crame.