Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na dapat ipag-alala ang napaulat na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan matapos ang ginawang pagbisita sa Taiwan ni US House of Representatives Speaker Nancy Pelosi.
Kahapon ay napaulat na nagpaputok ng missile malapit sa Taiwan ang China bilang bahagi ng kanilang military drill.
Ayon kay Estrada, dapat mabahala ang bansa sa namumuong tensyon sa rehiyon lalo pa’t “geographically” ay napakalapit ng Pilipinas sa Taiwan.
Bukod dito, isa pa sa malaking “concern” o alalahanin ang libu-libong mga Pilipino na nagtatrabaho at nakatira na sa Taiwan.
Umaasa si Estrada na hindi mauuwi sa malala ang sitwasyon dahil ang posibleng banggaan ng dalawang “major powers” na US at China ay magdudulot ng malaking pinsala sa ekonomiya ng buong mundo lalo pa’t nasa sitwasyon pa rin tayo ng epekto ng pandemya at krisis sa Ukraine.
Dapat aniyang palaging nasa “best interest” ng bansa ang pagpapanatili at pagiingat sa kapayapaan gayundin ng pagsusulong ng katatagan at seguridad sa tulong na rin ng mga kalapit na bansa sa Southeast Asia.