Pinalala lamang ng China ang tensyon sa West Philippine Sea sa bago nitong polisiya na pag-aresto at pag-detain sa mga dayuhang trespasser sa South China Sea.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa media interview sa Brunei.
Ayon sa pangulo, bagama’t hindi na bago ang ginagawa ng China, ay nakababahala at hindi katanggap-tanggap ang naturang polisiya.
Ang naturang aksyon aniya ay extension lamang muli ng kanilang pag-aangkin sa maritime territory rehiyon.
Mababatid na inanunsyo ng China ang planong pag-detain ng hanggang 60 araw nang walang paglilitis, sa mga dayuhang mahuhuling tumatawid nang walang pahintulot sa South China Sea.
Inilabas na umano ng gobyerno ng China ang regulasyon kasunod ng civilian resupply mission sa mga mangingisdang Pilipino sa WPS.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng pamahalaan na susuportahan nila ang mga mangingisdang maapektuhan ng bagong detention policy ng China na magsisimula sa June 15, 2024.