Nagkaroon ng tensyon sa proseso ng pagbiyahe ng mga vote counting machines (VCMs) sa mga polling precincts sa Cotabato City na nagresulta ng delay na pagdating na mahigit 90,000 election device sa lungsod.
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior Minister Atty. Naguib Sinarimbo, nagsimula ang tensyon matapos na tumanggi ang Cotabato City Police na eskortan ang election officer sa paghahatid ng mga VCM sa mga polling precincts kahapon.
Nakatakda sanang isalang ang mga VCM sa final testing and sealing ngayong araw.
Samanatala, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nakatanggap sila ng ulat na may grupo ng kalalakihan na pinagbabato ang mga pulis doon partikular ang kanilang sasakyan para pigilan ang mga ito na maibiyahe ang mga VCM.
Kaugnay nito, ipinag-utos na aniya ng PNP ang pagdaragdag ng mga tauhan ng PNP gayundin ng mga Armed Forces in the Philippines (AFP) sa mga headquarters nila sa Cotabato para tiyaking magiging mapayapa ang pagdaraos ng halalan bukas.
Kung maaalala, noong Huwebes ay sinabi ni Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na nagpoprotesta ang mga guro matapos na alisin ang pangalan nila sa listahan ng electoral board members at palitan ng ibang educators na hindi naman sumailalim sa election-related trainings.
Una umanong inalis ng opisina ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ng BARMM ang superintendent bago tinanggal ang mga guro kung saan sinasabing ang ministry na rin ang siyang nagdikta sa mapapasama sa listahan ng mga electoral board member.