Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi totoong tinanggal sa trabaho ang mga Filipino domestic helper sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19.
Kasunod ito ng mga ulat na may mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang napilitang matulog ng ilang araw sa kalsada matapos na tanggihang patuluyin ng kanilang mga amo.
Sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa Pilipinas man o Hong Kong ay hindi pwedeng basta na lamang mag-terminate ng mga empleyado dahil sa sakit.
“Yung tungkol sa terminate, fake news. Kasi alam mo naman, kahit dito sa Pilipinas hindi ka pwedeng magtanggal na employee mo kung may sakit, di ba meron nga silang mga leave credit e. Lalo na sa Hong Kong, mas istrikto sila. Hindi mo pwedeng i-terminate ang empleyado mo dahil na-COVID. Hindi po totoo yan, bawal na bawal yan,” giit ni Bello.
Paliwanag pa ni Bello, punuan kasi ang mga ospital sa Hong Kong kaya may mga Pinoy na naka-standby sa mga kalye at naghihintay ambulansya na magdadala sa kanila sa mga quarantine facility.
Tiniyak naman ng kalihim na kakasuhan nila ang mga employer na magte-terminate ng mga OFW dahil lang sa tinamaan ng COVID.
“Kung meron mang employer na nag-terminate ng OFW dahil na-COVID, kakasuhan natin ‘yan, hindi papahintulutan yan ng gobyerno ng Hong Kong,” babala ni Bello.
“Pangalawa, habang kinakasuhan natin, iba-blacklist yan, hindi na sila makakakuha ng overseas Filipino workers. Ipapa-blacklist ko at ipapatanggal ko ang kanilang prangkisa dito sa Pilipinas. Hindi na sila makaka-deploy at hindi na sila makaka-recruit,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala, umabot na sa 78 ang mga Pinoy sa Hong Kong ang tinamaan ng COVID-19 na lahat naman ay asymptomatic at pito rito ang nakarekober na.